Bumagsak na ang ating salapi sa halagang P50.50 sa bawat $1.
Nagsimula sa P50.30 ang halaga ng piso sa bawat dolyar sa pagbubukas ng trading kahapon hanggang sa umabot na ito sa P50.50 sa pagsasara ng kalakalan.
Sinabi naman ni Economic Planning Minister Felipe Medalla na makikialam na ang pamahalaan kapag umabot sa P52 ang halaga ng piso kontra sa dolyar. "Gagawin namin ang lahat para matiyak na hindi babagsak sa level na yan (P52-$1) ang piso," sabi pa niya.
Nagsimulang bumagsak sa P40-$1 ang halaga ng piso sa pagsisimula ng taong 2000. Bumilis ang pagbagsak nito mula noong Setyembre nang pumutok ang akusasyon na tumanggap umano ng suhol mula sa mga jueteng syndicate si Pangulong Joseph Estrada.
Walang binanggit si Medalla kung ano ang gagawin ng pamahalaan pero nagpahayag siya ng kumpiyansa na mas may lakas sa pamilihan ang administrasyon kaysa sa mga dealer ng salapi.
"Dapat mabalaan ang mga speculator. Kapag nalutas namin ang krisis, makakabawi ang piso," sabi pa ni Medalla.
Pero tumanggi si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Rafael Buenaventura sa pagpapataw ng capital control para mapigilan ang pagbagsak ng piso.
Sinasabi ng mga trader na maaaring lalo ring nagpapabagsak sa piso ang desisyon ng BSP na pigilin ang pagtaas ng anumang interest rate.(Ulat ng AFP)