Sa pagkakaligtas sa mga Malaysian, natitira na lamang bihag ng Abu Sayyaf ang Pilipinong dive instructor na si Roland Ullah na kabilang sa kinidnap sa Sipadan, Malaysia at ang Amerikanong si Jeffrey Edwards Craig Schilling.
Sinabi ni Malaysian Ambassador Manzoor Hussein Arshad na sinabihan na siya ng militar hinggil sa pagkakasagip sa tatlo niyang kababayan.
Nabatid na nakaenkuwentro ng mga tauhan ng Task Force Alpha ng Philippine Army na pinamumunuan ni Col. Romeo Tolentino bandang alas-9:30 ng umaga ang Abu Sayyaf sa Mount Mahala sa Talipao, Jolo, Sulu hanggang sa mailigtas ang mga Malaysian na sina Mojammad Noor, Joseph Jongkinoh at Ken Wee Chung.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Angelo Reyes sa kanyang ulat kay Pangulong Joseph Estrada na walang nasaktan sa mga bihag.
Sinabi ng Pangulo na ipinakikita lang sa pagkakasagip sa mga Malaysian na tama ang kanyang desisyon na sagupain ang Abu Sayyaf. May 17 bihag ang nasagip nang simulan ng militar noong Setyembre ang opensiba laban sa mga bandido. (Ulat nina Rudy Andal at Lilia Tolentino)