Gaya ng paglisan niya sa bansa, tahimik na rin sana ang pagbalik ni Ricaforte pero hindi pa rin siya nakaligtas sa mga mamamahayag sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa asawa niyang si Tourism Undersecretary Orestes Ricaforte.
Nakasuot ng asul na damit at itim na salamin sa mata si Ricaforte nang dumating bandang alas-12:20 ng hatinggabi sa Ninoy Aquino International lulan ng 905 Cathay Pacific Airlines Flight mula sa Estados Unidos.
Natuklasan ng mga reporter ang pagdating ni Ricaforte nang humingi ang asawa niya ng access pass sa airport na, rito, kailangan nitong magbigay ng mga tunay na pangalan at ibang mahalagang datos hinggil sa pagdating ng babae.
Tumanggi si Ricaforte na sagutin ang tanong ng mga reporter hinggil sa akusasyon na isa siyang auditor sa jueteng.
"Kung merong pagkakataon, haharap siya sa pagdinig ng Senado," sabi lang ng kanyang mister.
Ipinasya ni Gng. Ricaforte na bumalik sa Pilipinas para linisin ang kanyang pangalan at pabulaanan ang sinasabi ni Singson na siya ang nag-audited ng koleksyon sa jueteng na ipinadala sa Malacañang.
Pero, sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na hindi niya personal na kilala si Gng. Ricaforte. Kilala lang niya ang asawa nito.
Sinasabi ni Singson sa Senate Blue Ribbon Committee na si Gng. Ricaforte ang nakakaalam ng rekord ng nakolektang pera mula sa jueteng at ito rin ang nakakaalam kung kanino napunta ang pera. (Ulat nina Rey Arquiza at Lilia Tolentino)