Ito ang inihayag kahapon ng isa sa mga tagapagtaguyod ng impeachment na si Quezon City Congressman Mike Defensor.
Sinabi ni Defensor na, sa kasalukuyan, 44 na ang lumagda sa reklamo pero maaari pa anya itong lumaki at umabot sa bilang na 60 sa loob ng 48 oras dahil marami pang mambabatas ang kakalas mula sa koalisyon sa Lapian ng Masang Pilipino.
Sinabi ni Defensor na, kapag umabot na sa 60 ang nakalagda sa impeachment, marami pa ang susunod na pipirma. "Kapag narating na namin ang bilang na ito, few good men (ilang mabubuting tao) na lang ang kailangan namin," sabi pa ng mambabatas.
"Meron nang mga nangangako. Pirma na lang ang kulang," dagdag niya.
Sinabi pa ni Defensor na, kapag umabot sa 73 ang bilang ng mga pirma, maaaring hindi na magsagawa ng pagdinig sa House of Representatives. Ihahanda na lang anya ang articles of impeachment bago ipadala sa Senado para litisin.
Umaasa rin ang mga tagapagtaguyod ng impeachment sa mga kongresistang miyembro ng Liberal Party at Laban ng Demokratikong Pilipino na may kabuuang kasapi na 44. (Ulat ni Marilou Rongalerios)