Dahil dito, nagbigay ng iba’t ibang reaksyon ang mga kawani na nawalan ng trabaho hinggil sa pagkawala nila ng trabaho. Ang iba ay galit sa pamahalaan at karamihan naman ay galit sa oposisyon na kumakalaban sa administrasyong Estrada na siyang pangunahing dahilan ng pagkawala ng kanilang hanapbuhay.
Sa panayam ng PSN sa mga empleado na ayaw magpabanggit ng pangalan, labis na makakaapekto sa kani-kanilang pamilya ang biglaang pagkawala ng kanilang trabaho na siyang pangunahin nilang pinagkukunan ng kita para sa pang-araw-araw na gastusin kabilang na ang ibinibigay nilang sustento sa mga pinapaaral nilang mga anak.
Galit na galit naman ang ibang empleado dahil sa hindi man lamang gumawa ng alternatibo para magkaroon sila ng hanapbuhay bago tuluyang ipasara ang PAGCOR.
Ang iba ay tahasang nagagalit naman sa oposisyon na nagsusulong ng impeachment sa Pangulo at ang pagbubunyag sa jueteng na siyang nag-udyok umano sa Pangulo na ipasara na lahat ang pasugalan sa bansa, legal man o illegal.
Kaugnay nito,inamin ni Emilia Padua, pinuno ng Entertainment and Bingo Department ng PAGCOR na magkakaroon pa ng problema sa pagsasapribado ng PAGCOR dahil makakadagdag din ito sa kawalan ng empleyo dahil maraming apektadong kawani.
Gayunman, sinabi ni Padua na sa pagsasapribado ng PAGCOR, isa aniya sa magiging konsiderasyon ng bibiling kompanyang pribado ay kunin ang mga tauhan ng PAGCOR.
Sinabi naman ni Executive Secretary Ronaldo Zamora na hindi lamang ang mga tauhan ng PAGCOR ang maaaring apektado sa pagtigil ng operasyon ng sugal ng pamahalaan.
Aniya, malaking halaga mula sa P6 bilyong pumapasok sa kabang yaman ng pamahalaan mula sa PAGCOR ay napupunta sa Department of Science and Technology.
Ayon naman kay Presidential Adviser on Political Affairs Angelito Banayo na maging ang simbahan ay maaapektuhan sa sandaling mahinto ang sugal na pinatatakbo ng PAGCOR.
Sa ginanap na Senate hearing, niliwanag ni PAGCOR Chairman Alice Reyes na mismong ang CARITAS, isang organisasyong panlipunan at pangkawanggawa ng simbahang Katoliko ay tumatanggap ng pondo mula sa PAGCOR.
Maging ang social fund ng Pangulo ay tumatanggap din ng kabahaging pondo mula sa PAGCOR at maraming mahihirap na mamamayan ang natutulungan nito.
Sa jai-alai, ang netong kita ng gobyerno ay P9 milyon sa isang araw at ang Bingo 2 ball ay umaabot sa netong kita na P1.7 milyon isang araw.
Sa kabilang dako, nanawagan din si Zamora na sana ay hindi magpalabas ang korte ng Temporary Restraining Order sa pribadong kontratista na maaapektuhan ng pagtigil ng operasyon ng jai-alai, bingo 2-ball at internet gaming casino na pinatatakbo ng PAGCOR.
Sinabi ni Zamora na inaasahan ng Malacañang na ang mga korte ay makikinig sa kagustuhan ng bayan na ipahinto na ang lahat ng uri ng sugal na may masamang impluwensya sa kabataan.
Bagaman makakaapekto sa pondo ng gobyerno ang pagtigil na ng operasyon ng PAGCOR sa pasugalan at ang nalalapit nitong pagsasapribado, sinabi ni Zamora na ito ay isang desisyon ng liderato alinsunod sa kapakanan ng mamamayan. (Ulat nina Ellen Fernando at Lilia Tolentino)