Sinabi ng naturang grupong pinangungunahan ni Atty. Delmar Cruz sa kanilang 29 na pahinang petisyon na dapat ipahinto ang imbestigasyon ng Senado dahil nagkakaroon lang umano ng hindi pantay na pagdinig dito.
Idiniin nina Cruz na hindi lang ang Senate o House ang may karapatang tumanggap ng ebidensya at magsiyasat sa jueteng scandal.
Nagkakaroon lang anya ng duplikasyon dahil ang mga ebidensyang inihaharap sa Senado ay siya ring mga katibayang ihaharap sa impeachment proceeding sa House of Representatives.
Kasabay nito, nilinaw ni Executive Secretary Ronaldo Zamora na walang obligasyon ang Pangulo na dumalo sa pagdinig ng Senado hinggil sa jueteng.
Idinagdag ng kalihim na hindi rin maaaring dumalo sa naturang pagdinig ang mga miyembro ng Gabinete kung hindi sila papayagan ng Pangulo.
Mariin ding pinabulaanan ni Press Secretary Ricardo Puno ang mga akusasyon na sinusuhulan na ng Malacañang ang mga kongresista para matiyak na makakakuha si Estrada ng suporta kaugnay ng impeachment complaint na isinampa kamakailan laban sa Punong Ehekutibo.
Sinabi ni Puno na malaking kalokohan ang naturang paratang kasabay ng paggigiit na normal lang na may mga mambabatas na kapartido ng Pangulo na makikipag-usap dito para suportahan ito. Hindi anya maiiwasang matalakay sa pag-uusap ang pondo para sa mga proyekto ng mga mambabatas.
Samantala, sa programang Conversation ni Boy Abunda sa ABS-CBN News Channel kamakalawa ng gabi, hinamon ni Singson ang Pangulo na sabay silang sumailalim sa lie detector test para malaman ng sambayanan kung sino sa kanila ang nagsasabi ng katotohanan.
Ipinahiwatig din ni Singson na takda niyang ibunyag ang pagkakasangkot umano ng Pangulo sa pagkasawi ng dating basketbolistang si Arnulfo Tuadles may ilang taon na ang nakakaraan. (Grace R. Amargo, Ely Saludar at Ellen Fernando)