"Lagi niya akong dinadalhan ng isda. Lumalapit siya nang lumalapit sa akin nang maging Presidente na ako," sabi ni Estrada sa mga lokal na opisyal at lider-pulitiko ng Cavite na nakipagkita sa kanya sa Malacañang.
Sinabi pa ng Pangulo na sisimulan niyang magpaliwanag hinggil sa jueteng payola sa oras na matapos ni Singson ang testimonya nito sa Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Estrada na, bagaman matagal na niyang kakilala si Singson, nakipaglapit at nakipagkaibigan lang ito sa kanya nang maging Presidente siya.
Nagpahayag naman ng suporta sa Pangulo ang League of Municipalities of the Philippines na pinangunguluhan ng anak niyang si San Juan Mayor Jinggoy Estrada.
Samantala, sa isang pulong-balitaan sa media office ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, sinabi ni GOMBURZA Chairman Fr. Robert Reyes na nagkasundo sila ng ilang non-government organization na iboykot ang mga produkto ng mga kumpanyang pag-aari ng mga umanoy cronies ng Pangulo.
Inihalimbawa niya ang Fortune Tobacco Corporation at Asia Brewery ni Lucio Tan at ang San Miguel Corporation ni Danding Cojuangco. (Ulat nina Lilia A. Tolentino at Jhay Mejias)