Sinabi kahapon ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Aquilino Pimentel Jr. na meron silang paraan para maparating si Estrada sa pagdinig para marinig ang paliwanag nito.
Sinabi ni Pimentel na mas makakabuting ang Pangulo mismo ang humarap sa komite sa halip na ibang mga opisyal ng pamahalaan o kamag-anak nito.
Para naman kay Senate committee on justice and human rights Chairman Sen. Renato Cayetano, maaaring gumamit ng video conferencing kung hindi personal na mapapadalo ang Pangulo sa pagdinig ng SBRC.
Inamin ni Cayetano na hindi mapipilit ang Pangulo na humarap sa imbestigasyon ng Senado pero nakakapanghinayang ang pagkakataon kung hindi dadalo ang Punong Ehekutibo.
Ipinasya rin ng Senado na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa jueteng scandal kahit naisampa na sa House of Representatives ang impeachment complaint laban sa Pangulo.
Kaugnay pa ng iskandalo sa jueteng payola, binuo na ni Ombudsman Aniano Desierto ang isang panel na magsisiyasat kina Legislative Liaison Officer Jimmy Policarpio, San Juan Mayor Jinggoy Estrada, Senators Tessie Oreta at John Osmena, dating Presidential Spokesman Jerry Barican, Housing Chief Leonora de Jesus, dating Police Chief Roberto Lastimoso, at Bingo-2 Ball consultant Atong Ang.
Samantala, sinabi kahapon ni Bohol Congressman Ernesto Herrera na ginagapang na umano ng Malacañang ang mga miyembro ng House committee on justice na didinig sa impeachment complaint.
Inamin naman ng isa sa miyembro ng komite na si Bohol Congressman Eladio Jala na nagtungo siya sa Malacañang kamakalawa ng gabi para I-follow-up ang kanyang pork barrel.
Sa kaugnay na ulat, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Franklin Ebdalin na, kung iuutos ng Kongreso, maaaring kanselahin ang passport at pabalikin sa bansa ang umanoy gambling lord na si Bong Pineda at ang jueteng auditor ni Estrada na si Yolanda Ricaforte.(Ulat nina Doris Franche, Grace R. Amargo, Marilou B. Rongalerios, at Lordeth B. Bonilla)