Sa Forbes Park sa naturang lungsod din, inihayag nina Vice President Gloria Macapagal-Arroyo ng Lakas-NUCD-Kampi, dating Defense Secretary Renato de Villa ng Reporma at dating Cebu Governor Lito Osmeña ng Promdi ang pagsasanib ng kanilang puwersa para magbuo ng nagkakaisang oposisyon laban sa administrasyon ni Estrada.
Nilusob naman ng may 2,000 miyembro ng Jesus Is Lord, Philippine for Jesus Movement at Gods People Coalition for Righteousness ang Senado para ipanawagan din ang pagpapatalsik kay Estrada. Ilang militanteng grupo rin tulad ng Akbayan at Kilusang Mayo Uno ang nag-rally sa labas ng House of Representatives kasabay ng pagsasampa ng impeachment case laban sa Pangulo.
Sa Hong Kong, New York at Brussel, ilang grupo ng mga overseas Filipino workers ang nagsagawa rin ng mga rally para hingin ang pagpapatalsik kay Estrada.
Nagbabala naman si National Security Adviser Alexander Aguirre sa isang pulong-balitaan na dadanak ang dugo kapag puwersahan o sapilitang tinanggal sa posisyon ang Pangulo. Labag anya ito sa batas at maaaring dakpin ang sinumang gagawa nito. (Mula sa ulat nina Lordeth Bonilla, Doris Franche, Jhay Mejias, Joy Cantos at Rudy Andal)