Ito ay kaugnay sa pinadalang liham ng isang magulang at mag-aaral sa tanggapan ni DECS Secretary Bro. Andrew Gonzalez na nagrereklamo laban sa isang guro sa Calderon High School na umanoy nagtuturo ng mga subersibong kaalaman sa kanyang mga mag-aaral.
Sa liham na ipinadala ni Juan Paolo Salazar sa DECS, inireklamo niya si Benjamin Valbuena, guro ng Practical Arts sa Calderon High School na umanoy bine-brainwash sila ng kanilang guro.
Ayon kay Salazar, umanoy estudyante ni Valbuena sa Calderon, mas marami umanong oras si Valbuena na ihinga ang kanyang mga hinaing sa pamahalaan at sa mga katiwalian sa ibat ibang ahensya ng pamahalaan kaysa magturo.
Nangangamba si Salazar na mula sa mga nasabing pagtuturo ng aktibismo sa mga estudyante ay umusbong ang isang Luis Jalandoni at Jose Maria Sison.
Sa liham naman ng isang Mrs. Lourdes Cinco, secretary ng League of Good Governance, inakusahan niya si Valbuena, kasalukuyang direktor din ng Manila Public School Teachers Association, na ine-exploit ang kanyang mga anak na umanoy nag-aaral sa Calderon High School sa pagtuturo rito na maging kritikal laban sa pamahalaan.
Partikular na tinukoy ni Cinco ang pag-uwi ng isa niyang anak na may dalang umanoy report card ni Pangulong Estrada na pawang bagsak ang grado.
Ipinagmamalaki pa umano ng mga guro na kaanib ng Alliance of Concerned Teachers na kinaaaniban din ni Valbuena na hindi sila makakanti ng mga matataas na school officials dahil hawak sila ng ilang church organization.
Kaugnay dito ay pinagpapaliwanag na rin ni DECS Undersecretary Ramon Bacani si Valbuena dahil sa mga umanoy teach-ins na ginagawa nito sa kanyang mga klase. (Ulat ni Andi Garcia)