Maid puwera sa umento

Hindi saklaw ng ipinagkaloob na P26.50 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila ang mga katulong sa tahanan, family driver, at iba pang nagtatrabaho sa serbisyo.

Ito ang nilinaw kahapon ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa isang panayam ng radio station dzRH kasabay ng paliwanag na merong umiiral na kahiwalay na batas para sa mga housemaid at family driver.

"Hindi kasama iyong household helper at saka yaong mga taong nasa serbisyo, personal service ng tao, kasama na rito iyong family driver," sabi ng kalihim.

Sa palatuntunang "Jeep ni Erap: Ang Pasada ng Pangulo," sinabi pa ni Laguesma na ipapalabas sa Oktubre 13 ang dagdag sa sahod ng mga manggagawa sa ibang rehiyon sa bansa batay sa direktiba ni Pangulong Joseph Estrada.

Idinagdag niya na, mula sa Nobyembre 1, ipapatupad na ng kanyang tanggapan ang mga pamantayan sa umentong ipinagkaloob ng wage board sa Metro Manila.(Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments