P4 minimum na pasahe mula Lunes

Simula sa Lunes, Oktubre 9, apat na piso na ang minimum na pasahe sa lahat ng mga pampasaherong jeepney at bus sa buong bansa.

Ito ang inihayag kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kasunod ng pagbigay nito sa dagdag sa pasahe na hinihingi ng mga transport organization.

Nagbunsod sa desisyon ng LTFRB ang walong beses nang pagtaas ng presyo ng langis na ang huli ay noong Oktubre 1 nang magdagdag ng P1.20 sa halaga ng mga produktong petrolyo kada litro ang Shell, Petron at Caltex.

Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ronaldo Zamora na tanging magagawang tugon ng Malacañang sa pagtaas ng pasahe ang pagpapakilos sa mga regional wage board na bilisan ang pagdedesisyon sa Umento. (Ulat nina Angie dela Cruz at Lilia Tolentino)

Show comments