Sinabi ni Pagadian City Police Chief C/Insp. Deonisio Pedreguez na isang improvised na 60mm mortar ang ginamit ng mga suspek sa pambobomba sa detachment.
Nagkalasog-lasog ang katawan ng mga nasawing biktimang sina SPO3 Benjamin Tumacmol, desk officer ng naturang detachment; at Jinalyn Tumacmol, Elmer Villamore, Samuel Bajao at Robert Princillo na pawang mga sibilyan.
Nakilala ang malubhang nasugatan na sina Miguelito Villamor at Marlon Cariaga na kapwa isinugod sa Zamboanga del Sur Provincial Hospital.
Apat na di-kilalang lalaki ang namataan umanong nakatayo sa tapat ng detachment bago naganap ang pagsabog bagaman ilang saksi ang nagsabing dalawang lalaking nakamotorsiklo ang pumasok at mabilis na umalis sa bakuran ng detachment bago sumambulat ang bomba.
Itinanim ang bomba sa tapat ng Tiguma Police Detachment malapit sa isang gasolinahan ng Petron at sa isang mataong commercial complex na malapit naman sa Pagadian City Airport.
Sinabi ni Senior Police Officer 4 Raquel Nanquil na nagkalat ang dugo sa paligid ng detachment at nawasak ang gusali nito dahil sa pambobomba.
Itinuturo ng lokal na pulisya ang Abu Sayyaf bilang responsable sa pambobomba bagaman sinasabi sa ulat na tinanggap kahapon ng Camp Aguinaldo at Camp Crame sa Quezon City na mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang may kagagawan nito.(Ulat nina Rose Tamayo at Joy Cantos)