Sinabi kahapon ni Col. Jaime Canatoy ng Civil Relations Service ng Armed Forces of the Philippines na, batay sa tinanggap nilang intelligence report, hindi mapakali ang grupo ni Nahmon na nangangamba na sila ang susunod na pupulbusin ng militar kasunod ng pagkakasagip nito sa evangelist na si Wilde Almeda at 11 kasamahan nito sa Jesus Miracle Crusade.
Ang naturang mga Malaysian ay kinidnap sa Pandanan Island, Malaysia noong Setyembre 10. Bukod sa kanila, bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang Amerikanong si Jeffrey Edwards Craig Schilling at ang Pilipinong si Roland Ullah.
Gayunman, sinabi ni Canatoy na bineberipika nila ang ulat na kasabwat ng Abu Sayyaf si Ullah na kabilang sa 21 katao na kinidnap sa Sipadan resort island sa Malaysia noong Abril. Nauna nang napalaya ang 20 bihag mula sa Sipadan makaraang magbayad ng milyun-milyung dolyar na ransom ang Libya sa Abu Sayyaf.
Sinabi ni Canatoy na duda ang militar kay Ullah dahil sa ulat na malaya itong nakakalabas at nakakapasok sa kampo ng mga bandido.
Samantala, iniulat ni Defense Undersecretary Esteban Cornejos sa Malacañang na binuo na nila ang isang joint military-civilian coordinating council na magsisiyasat sa mga sinasabing paglabag ng militar sa karapatang-pantao habang isinasagawa ang operasyon laban sa Abu Sayyaf sa Sulu. Sinabi rin ni Integrated Bar of the Philippines President Arthur Lim na desidido ang IBP na kasuhan ang pamunuan ng AFP dahil sa umanoy paglabag sa karapatang-pantao. (Ulat nina Joy Cantos, Ely Saludar at Grace Amargo)