'Ahas' (PART 11)
Hindi ko na binigyang pansin ang pagkagulat ni Cora makaraan kong ipagtapat na magkasintahan na kami ni Romano.
Kinalimutan ko na ang reaksiyon niya na para bang binuhusan nang malamig na tubig dahil sa pagkabigla.
Nang matapos kami ng high school ay kaming tatlo pa rin ang lagi nang magkasama. Lagi kaming dumadalo sa mga sayawan na noon ay usung-uso pa. Kapag nagsasayaw kami ni Romano ay titig na titig sa amin si Cora. Hindi ko naman binigyang pansin ang mga titig niya. Naisip ko na basta napatingin lamang siya sa amin.
Kapag nag-uusap at nagtatawanan kami ni Romano ay ganundin ang napapansin ko sa kanya—masusi ang pagkakatingin ni Cora.
Hindi ko naman alam kung napapansin ni Romano ang mga napapansin ko kay Cora. Hindi ko iyon sinasabi kay Romano.
Nang magkolehiyo kami sa Maynila ay sa iisang unibersidad kami nag-enrol. Kaya magkasama pa rin kaming tatlo.
Magkalapit din ang aming tinirhang boarding house. Madalas akong dalawin ni Romano sa boarding house. At kapag dumadalaw si Romano ay nagkakataon naman na naroon din si Cora.
Aywan ko kung nagkakataon lang yun.
(Itutuloy)
- Latest