Mayang (62)
“UMALIS na tayo! Pupunta na tayo sa condo mo, Jeff,’’ sabi ni Puri.
“Pero hindi mo pa sinasabi sa akin kung saan makikita si Mayang. Di ba usapan natin, kapag sinabi mo ang kinaroroonan ni Mayang, ibibigay ko lahat ang pera ko.’’
“Pagdating natin sa condo mo saka ko sasabihin kung nasaan si Mayang.’’
“Bakit hindi pa ngayon?’’
Sumabat si Henry.
“Ang tigas ng ulo mo! Hindi mo ba narinig pagdating sa condo mo saka sasabihin ang address ng dyowa mo. Babarilin na kitang kumag ka!’’
“Sige barilin mo! Baka magsisi kayo. Ang dami kong pera sa condo. Nasa malaking bag nakalagay sa ilalim ng cabinet. Marami rin akong alahas. Pinakamahal ang New Zealand diamond na ubod nang mahal. Ano babarilin mo ako?’’
Gigil na gigil si Henry.
“Mamaya na kita babarilin pagsapit sa condo.’’
“Ngayon mo na ako barilin. Sige na barilin mo ako para walang makinabang sa pera ko at sangkaterbang alahas!’’
Nag-isip si Henry. Hindi na siya dapat magbanta sapagkat baka ang pera ay maging bato pa.
“Ano Jeff, tayo na. Dun ko sasabihin kung nasaan si Mayang,” sabi ni Puri.
Tumango si Jeff.
Kailangang makalabas na sila sa bahay. Naghihintay na ang mga pulis. Tiyak paglabas nila, bigla na lamang susunggaban ng mga pulis si Henry at Puri.
“Tayo na!’’ sabi ni Henry.
“Mauna ka at susunod kami ni Jeff.’’
“Ang dapat mauna ay ang kumag na ito!’’
Halos itulak ni Henry sa pinto si Jeff.
“Sige lakad. Huwag kang tatakbo at babarilin kita.”
Lumabas sila sa pinto. Lumabas sa gate.
Nagdarasal si Jeff habang naglalakad patungo sa kalsada. Sana nakaabang na ang mga pulis!
Kung tumakbo na kaya siya at bahala na!
Pero natatakot siyang barilin ni Henry.
Palagay ni Jeff, seryoso si Henry.
(Itutuloy)
- Latest