EDITORYAL - Dapat sumapi muli ang Pilipinas sa ICC
NARARAPAT nang sumapi muli o magmiyembro ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC). Nararapat nang gumalaw ang batas at maisilbi ang hustisya sa mga biktima ng extra-judicial killings (EJKs). May sapat nang dahilan para magmiyembro muli sa ICC dahil sa pag-amin ni dating President Rodrigo Duterte sa Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 28, 2024 sa mga patayang naganap sa kanyang termino. Inamin niya na mayroon siyang “death squad”. Inamin din niya na libu-libo ang namatay sa kampanya laban sa droga na sinimulan pa umano niya noong mayor pa siya ng Davao City.
Sinabi rin niya sa pagdinig na pinauudyukan niya ang mga drug suspect na lumaban para may dahilan ang mga pulis na barilin ang mga ito. Pero sabi niya, siya na lang daw ang ikulong. Kawawa naman daw ang mga pulis kung makukulong. Sumunod lang daw ang mga ito sa kanyang utos.
Pero noon pa sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi magmimiyembro ang Pilipinas sa ICC. Gumagalaw daw naman ang hustisya sa bansa. Pati ang Department of Justice ay ganito rin ang posisyon. Hindi na raw kailangan ang ICC.
Kung ganoon, bakit hindi pa sampahan ng kaso si Duterte at iba pang sangkot sa madugong war on drugs. Kung totoong gumagalaw ang justice system, kasuhan si Duterte. Pagulungin ang batas. Sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso, maniniwala ang mamamayan na buhay na buhay ang sistema ng hustisya sa Pilipinas. Kung hindi naman magagawang sampahan ng kaso, magmiyembro sa ICC para makamit ng mga kaanak ng biktima ang hustisya.
Marami sa mga Pilipino ang sumasang-ayon na dapat bumalik bilang miyembro ng ICC ang Pilipinas. Dapat lumahok muli ang Pilipinas sa ICC upang maisagawa ang imbestigasyon sa drug war ni dating President Duterte. Pabor din ang karamihan sa mga Pilipino na magsagawa ng imbestigasyon ang ICC sa isinagawang drug campaign ng dating Duterte administration.
Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019 sa kabila na isa ang bansa sa mga lumagda sa pagtatatag nito. Ang pagkalas ng Pilipinas ay nangyari habang mainit ang kampanya laban sa illegal drugs.
Sa war on drugs ng Duterte administration na nagsimula noong 2016, umabot sa 6,252 ang namatay pero sa report ng human rights groups, aabot sa 20,000 ang mga namatay o mahigit pa. Ang masaklap, ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges.
Kailangang magpasya ang pamahalaan kung paano mapapabilis ang pagsisilbi ng hustisya sa mga biktima ng EJKs. Ang mabagal na pagkilos ay magpapasama sa imahe ng bansa.
- Latest