MANILA, Philippines — Sumisid ang national swimming team ng kabuuang isang ginto, anim na pilak at isang tansong medalya sa pagtatapos ng 46th Southeast Asian Age Group Championships sa Assumption University swimming pool sa Bangkok, Thailand.
Naibulsa ni Jamesray Ajido ang nag-iisang gintong medalya ng koponan nang maitarak nito ang bagong SEA Age record sa boys’ 14-15 50m butterfly.
Nagsumite si Ajido ng 25.53 segundo para burahin ang dating marka ni Vietnamese Nguyen Hoang Khang na naitala noong 2018.
Maliban sa ginto, may 2 pilak pa si Ajido.
“Our youth program is like a gift that keeps on giving, and the PAI is truly proud of our young athletes for keeping the winning spirit alive despite huge and tough challenges,” ani Philippine Aquatics, Inc. (PAI) secretary general Eric Buhain.
Kumana naman ng dalawang pilak na medalya si World Cup finalist at World Junior Championships semifinalist Micaela Jasmine Mojdeh sa kanyang huling pagsalang sa SEA Age Group Championships.
“And we shall treat this recent campaign as sort of ‘pampa good vibes’ as we face new challenges in 2025. To our young team, thank you for ending our year on a high note,” dagdag ni Buhain.
Nagdagdag naman si Carmina Sanchez Tan ng pilak sa women’s solo free.
Sa kabilang banda, umani si Ivo Nikolai Enot na pambato ng Ateneo de Manila University ng pilak sa boys’16-18 50m backstroke habang may tanso naman ito sa 100m backstroke.