3-peat sa National University

Muling nahirang na MVP si Bella Belen matapos trangkuhan ang NU Lady Bulldogs sa 3-peat sa Shakey’s Super League.
SSL photo

MANILA, Philippines — Hindi na pinatagal ng National University ang best-of-three finals matapos tapusin sa Game 2 ang De La Salle University, 23-25, 25-18, 25-16, 25-20 upang sikwatin ang korona sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) collegiate pre-season championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kagabi.

Matapos matisod sa u­nang set, nagsanib pu­wersa sina Alyssa Solomon at Bella Belen, muling nahirang na MVP upang akbayan ang Lady Bulldogs sa tatlong natitirang sets at itarak ang pangatlong sunod na kampeonato at ikaapat sa kabuuan matapos makuha ang National Invitational.

Bumida si Bellen sa kanyang hinataw na 15 points mula sa 12 attacks, dalawang blocks at isang steal.

“Talagang pinagharapan namin yung panalo namin alam namin yung La Salle lalaban po talaga yan,” ani Belen.

Dahil sa panalo, nabig­yan din ng Lady Bulldogs ng korona ang kanilang bagong coach na si Sherwin Meneses.

Samantala, hinataw ng Far Eastern University ang 20-25, 25-19, 23-25, 25-19, 15-12, panalo kontra University of Santo Tomas upang sikwatin ang bronze sa kanilang knockout battle for third.

Umahon ang Lady Tamaraws sa two sets down matapos silang buhatin ni Jaz Ellarina sa opensa, nakitaan sila ng determinasyon sa tatlong natitirang frames.

Nagtala ng importanteng puntos si Ellarina sa deciding set upang kumpletuhin ang pagwalis ng Lady Tams sa Golden Tigresses sa dalawang beses nilang paghaharap.

“Syempre nakaka-proud kasi natapos namin ‘yung pre-season, kasi ito na ‘yung last na pre-season na sasalihan [namin] and nakaka-proud. Proud kami nila coach Tina (Salak) na may pasok pa rin sa podium kaya ayun masaya,” ani FEU assistant coach Manolo Refugia. 

Show comments