Perpetual tutuhugin ang ika-2 sunod
MANILA, Philippines — Puntirya ng University of Perpetual Help System DALTA ang ikalawang dikit na ratsada sa pagsagupa sa San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Magkikita ang Altas at Stags ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang salpukan ng Mapua Cardinals at Lyceum Pirates sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Hawak ng College of St. Benilde ang liderato sa 4-1 kartada sa itaas ng Mapua (3-1), nagdedepensang San Beda (3-2), Letran (3-2), Perpetual (3-2), Lyceum (2-2), Emilio Aguinaldo College (2-3), San Sebastian (2-3), Arellano University (1-4) at Jose Rizal (1-4).
Umiskor ang Altas ng 73-67 panalo sa Generals para pigilan ang kanilang two-game losing skid.
“Kinausap ko sila... sabi ko bounce back mentality na talaga,” sabi ni coach Olsen Racela.
“Hindi na tayo puwedeng matalo pa kasi ‘yun nga, crucial ang next games namin,” dagdag ng PBA legend.
Nakakasap ang Stags ng 73-87 pagkatalo sa Chiefs sa huli nilang laro.
Sa ikalawang laro, target ng Cardinals ang ikaapat na sunod na arangkada sa pagharap sa Pirates.
Nagmula ang Mapua sa 77-62 pagsisiw sa Letran.
- Latest