2025 FIVB men’s world championship draw ngayon
MANILA, Philippines — Isasagawa ngayong gabi ang Drawing of Lots (DOL) para sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship sa Solaire Resort Grand Ballroom sa Parañaque City.
Pamumunuan nina Local Organizing Committee (LOC) co-chairman William Vincent “Vinny” Araneta Marcos at Sen. Alan Peter Cayetano kasama si Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara ang event na nakatakda sa alas-8:30 ng gabi na panonoorin ng buong mundo para sa 32-nation world championship cast.
“This very important ceremony, the DOL, officially kicks off all preparations of the Philippines’ solo hosting of the 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship,” sabi kahapon ni Suzara na pangulo rin ng Asian Volleyball Confederation.
Ang pre-draw activities ay dadaluhan ni LOC co-chairman Tourism Secretary Christina Garcia Frasco at mga miyembrong sina Sen. Pia Cayetano at Manuel V. Pangilinan kasama sina Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino at Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann.
Si FIVB General Director Fabio Azevedo ang kakatawan kay FIVB president Ary Graca sa draw para sa world championship na pamamahalaan ng bansa sa Setyembre 12 hanggang 28 sa susunod na taon.
Dadalo rin sa seremonya ang mga ambassadors at top embassy officials mula sa world championship cast na kinabibilangan ng defending champion Italy at continental titlists Japan (Asia), Argentina (South America), USA (North America) at Egypt (Africa).
Ang iba pa ay ang Pilipinas, Iran, Qatar, Brazil, Colombia, Canada, Cuba, Algeria, Libya, Slovenia, France, Germany, Serbia, The Netherlands, Ukraine, Belgium, Turkey, Czech Republic, Bulgaria, Portugal, Finland, Tunisia, China, Romania, Chile at South Korea.
- Latest