MANILA, Philippines — Desidido si Carlos Yulo na madepensahan ang kanyang korona sa 2028 Olympic Games na idaraos sa Los Angeles, California.
Matagumpay na kung tutuusin si Yulo dahil ito ang nag-iisang Pinoy athlete na nakasungkit ng dalawang gintong medalya sa Olympic Games.
Subalit walang balak tumigil si Yulo sa pag-abot ng kanyang mga pangarap dahil nais pa nitong makapagbigay ng karangalan sa bansa sa 2028 LA Olympics.
Handa si Yulo na muling ibuhos ang kanyang dugo’t pawis para masigurong preparado ito para sa susunod na edisyon ng Olympic Games.
“Naka-gold na po tayo pero magco-compete pa rin po ako sa 2028 Olympics. Paghahandaan ko ang 2028 LA Olympics,” ani Yulo.
Sa ngayon, nais ni Yulo na namnamin ang tagumpay nito.
Bumubuhos din ang biyaya matapos matanggap ang ilan sa mga naipangakong insentibo sa kanya.
Una na ang tumataginting na P20 milyon mula sa gobyerno na personal nitong natanggap mula kay Pangulong Bongbong Marcos nang mag-courtesy call ang Team Philippines noong Martes ng gabi sa Malacañang.
Nakuha na rin ni Yulo ang susi sa bagong-bagong three-bedroom fully-furnished condo unit nito sa McKinley Hills sa Taguig City na nagkakahalaga ng P32 milyon kasama ang parking slot.
Maliban sa condo, nagbigay pa ang Megaworld ng karagdagang P3 milyong cash incentive.
Matapos ang mahabang biyahe mula sa Paris pabalik sa Pilipinas, agad na sumalang sa iba’t ibang events si Yulo kasama ang iba pang miyembro ng Team Philippines.
Nagkaroon pa ng parada kahapon ang Team Philippines na umikot sa ilang bahagi ng Maynila para mabigyan ng pagkakataon ang mga kababayan nitong masilayan ang bagong bayani ng bansa.