MANILA, Philippines — Itinarak ng Team Philippines ang pinakamatagumpay na performance nito sa Olympic Games.
At sa ikalawang sunod na edisyon ng Olympics, itinanghal ang Pilipinas na No. 1 Southeast Asian country sa katatapos na 2024 Paris Olympics.
Uuwi ang pambansang delegasyon tangan ang dalawang ginto at dalawang tansong medalya para okupahan ang No. 37 spot sa overall medal tally.
Ang Pilipinas ang numero uno sa Southeast Asian nations kung saan kabuntot nito sa ikalawa ang Indonesia na may dalawang ginto at isang tanso para sa ika-39 puwesto sa overall.
Nasa ikatlo lamang ang Thailand na may isang ginto, tatlong pilak at dalawang tanso habang ikaapat ang Malaysia na may dalawang tanso at ikalima ang Singapore na may isang tanso.
Umuwing luhaan ang reigning SEA Games champion Vietnam na walang nakuhang medalya ni isa sa Paris Games.
Ito ang ikalawang sunod na walang medalya ang Vietnam sa Olympics gaya noong 2021 Tokyo Olympics kung saan bokya din ito.
Wala ring medalya ang Brunei Darussalam, East Timor, Cambodia, Myanmar at Laos.
Sa buong Asian region, nasa ikawalo na puwesto ang Pilipinas kasosyo ang Hong Kong na may parehong 2-0-2 produksiyon.
Nanguna sa Asian countries ang China na may 40 ginto, 27 pilak at 24 tanso — ang second overall tally sa likod ng Paris Olympic champion United States na may 40 ginto, 44 pilak at 42 tanso.
Pumangalawa sa Asia ang Japan na may 20 ginto 12 pilak at 13 tanso kasunod ang South Korea (13-9-10), Uzbekistan (8-2-3), Iran (3-6-3), Bahrain (2-1-1) at Taiwan (2-0-5).
Galing ang dalawang gintong medalya ng Pilipinas kay gymnast Carlos Edriel Yulo na naghari sa men’s floor exercise at men’s vault.
Ibinigay naman nina boxers Nesthy Petecio (women’s featherweight) at Aira Villegas (women’s flyweight) ang dalawang tansong medalya ng Pilipinas.