PARIS — Matapos ang three-day break ay sasalang si Carlos Yulo kasama ang 23 pang kalahok sa all-around finals ng 2024 Olympics men’s artistic gymnastics competition dito sa Bercy Arena.
Tumapos bilang ninth placer sa qualifying round, hindi kasama ang Pinoy gymnast sa mga top podium contenders.
Bukod sa pagsabak sa all-around finals ay tatarget din ng ginto ang 24-anyos na tubong Leveriza, Manila sa floor exercise finals sa Sabado at sa vault finals sa Linggo.
Ang all-around championship ay inaasahang magiging showdown ng mga Chinese at Japanese aces, habang si Fil-British bet Jake Jarman ay ikinukunsiderang dark horse.
May tsansa si Daiki Hashimoto na maging ikatlong Japanese na magiging back-to-back champion sa event matapos si Sawao Kato noong 1968 at 1972 at si Kohei Uchimura noong 2012 at 2016.
Lalaban din para sa ginto si Japanese Shinnosuke Oka sa all-events na pinamunuan ni Chinese Boheng Zhang sa qualifying, habang pang-apat ang kababayang si Ruoteng Xiao.
Nasa finals din sina Joe Fraser ng Great Britain, Oleg Verniaiev at Illia Kovtun ng Ukraine, Italians Yumin Abbadini at Mario Macchiati, Americans Frederick Richard at Paul Juda, Swiss Matteo Giubellini at Florian Langenegger, Hungarian Krisztofer Meszaros, Australian Jesse Moore, Casimir Schmidt at Frank Rijken ng Netherlands, Kazakh Milad Karimi, Brazilian Diogo Soares, Canadaians Felix Dolci at Rene Cournoyer at Nils Dunkel ng Germany.
Si Zhang ay may qualifying score na 88.597 kumpara sa 83.631 ni Yulo, habang may 86.865 si Oka, 85.064 si Hashimoto, 84.898 si Xiao at 84.897 si Jaman.
Samantala, minalas si Pinay rower Joanie Delgaco na makapasok sa semifinals matapos pumang-anim sa quarterfinals ng women’s single sculls.
Sasagwan na lamang si Delgaco sa qualification round ngayong alas-4:14 ng hapon.
Bigo rin si Fil-Japanese judoka Kiyomi Watanabe kay Chinese Ting Jang sa Round of 32 ng women’s -63kg divisio.
Sa swimming, swak si Fil-Canadian Kayla Sanchez sa semifinals ng women’s 100m freestyle sa kanyang tiyempong 53.67 segundo sa heat 4.