PBA No. 1 pa rin sa TV ratings
MANILA, Philippines — Sa kabila ng libu-libong fans na nanonood sa venue sa mga laro ng collegiate at professional women’s volleyball ay nanatili pa ring No. 1 ang Philippine Basketball Association (PBA) pagdating sa TV viewership.
Bagama’t panalo sila sa pagdating sa TV rating ay gusto ng PBA Board of Governors na muli silang dumugin sa mga venues.
“While it’s good to see these ratings, we want to bring the fans in the venue. We’re aiming to enhance fan experience at the start of the season,” sabi kahapon ni PBA Board chairman Ricky Vargas ng TNT Tropang Giga sa PBA annual planning meeting sa Swissotel Nankai sa Osaka, Japan.
Base sa datos ng US media research group Nielsen, nagtala ang PBA ng 975,520 average viewers per game sa unang anim na buwan ng 2024.
Mas marami ito kumpara sa 313,040 average viewers per game ng Premier Volleyball League (PVL), 218,400 ng UAAP, 218,400 ng NBA at 145,600 ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Ang pinakamataas na TV ratings ay ang Game Six ng Season 48 PBA Philippine Cup title showdown ng Meralco at San Miguel na humakot ng 2.16 million viewers kasunod ang 2.06 million viewers ng upakan ng Bolts at Beermen sa Game Three.
“Nakakatuwa at nakakataba ng puso,” wika ni PBA Commissioner Willie Marcial. Ang semifinal game ng Alas Pilipinas and Kazakhstan sa 2024 AVC Challenge Cup 2024 for Women ang ikatlo sa mga pinakamaraming TV viewers kasunod ang laban ng mga Pinay spikers sa Chinese Taipei.
Ang TV5 at Cignal TV ang mga broadcast partners ng PBA na bubuksan ang Season 49 Governors’ Cup sa Agosto 18.
Sa kabuuan, ang PBA average viewers ay tatlong beses na mas marami sa PVL at limang beses na mas marami sa UAAP at NBA.
Ngunit panalo naman ang PVL sa paramihan ng mga fans na sumusugod sa mga venues para panoorin ang mga kagaya nina Alyssa Valdez, Jema Galanza, Tots, Carlos, Sisi Rondina, Fifi Sharma, Ivy Lacsina at iba pa.
- Latest