SBU buwenamano sa NCAA Season 100
MANILA, Philippines — Kaagad nagposte ng panalo ang nagdedepensang San Beda University matapos ilampaso ang Lyceum of the Philippines University, 79-63, sa pagbubukas ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umiskor si Bryan Sajonia ng 18 points para sa kanyang debut sa Red Lions matapos maglaro sa Far Eastern University Tamaraws sa UAAP.
“Ang nakita naming biggest strength sa kanya is ‘yung defense niya,” ani coach Yuri Escueta kay Sajonia. “I think he was able to do a good job defensively regarding ‘yung shooters ng LPU.”
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng tropa ni Escueta sa Pirates na sinibak nila sa Final Four noong Season 99 bagama’t may ‘twice-to-beat’ advantage ang huli.
Kaagad kinuha ng San Beda ang 29-11 abante sa first period bago ito naputol ng Lyceum sa 29-33 sa second quarter.
Isang 11-0 granada ang inihagis ng Red Lions sa pagbubukas ng third canto para muling makalayo sa 44-29 bago tuluyang ibaon ang Pirates sa 75-52 sa huling 4:42 minuto ng laro.
Pinamunuan ni Mclaude Guadana ang Lyceum sa kanyang game-high 22 points habang may 13 markers si John Barba.
Magtutuos naman ngayong alas-12 ng tanghali ang Letran at San Sebastian kasunod ang banggaan ng Arellano at EAC sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
- Latest