Huwag tangkilikin mga illegal na paputok

SA kabila nang mahigpit na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa pagpapaputok, mayroon pa rin ang palihim na tumatangkilik nito. Lahat ng paraan ay ginagawa ng mga awtoridad upang maging maayos at ligtas ang selebrasyon ng kapaskuhan sa buong bansa, subalit tila hindi pa rin nadadala ang ilan nating mga kababayan sa paggamit ng mga malalakas na paputok.

Kaya bilang preparasyon sa pagsalubong ng Kapas­kuhan lahat nang pulis, kasama na ang mga taga-Bureau of Fire Protection, ay abala sa pagbabantay. Sa tuwing sasapit ang Pasko, sinasamantala ito ng mga makakati ang daliri para magpaputok ng mga malalakas na firecarackers­ o mga substandard na mga pailaw na binili nila sa ‘online’.

Kaya ang resulta, humahantong sila sa mga ospital. Lub­hang abala ang mga doctor at nurses para mabigyang lunas ang mga naputukan. Lahat sila ay nakaantabay sa mga isusugod na naputukan. Marami sa kanila ay walang tulog dahil sa pagbabantay at pag-aasikaso sa mga napu­tukan.

At sa hanay naman ng kapulisan, mahigpit na inatasan ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang kanyang mga tauhan na hulihin ang mga lumalabag sa pagbebenta ng mga pinagbabawal na paputok na ngayon ay talamak ang ben­tahan online.

Taun-taon din ay may tinatamaan ng ligaw na bala na kanilang ikinamamatay. Kalunus-lunos ang sinasapit ng mga inosenteng kababayan sa mga taong utak pulbura.

Nananawagan si Marbil sa publiko na maging mapagmatyag at isumbong sa pinakamalapit na police station ang mga nagpapaputok ng baril. Kailangang matuldukan na ang pamamayagpag ng mga iresponsableng gun owners. Dapat maparusahan ang mga may “utak pulbura”.

Paalala ko sa lahat na maging maingat laban sa mapa­muksang paputok. Huwag tangkilikin ang mga ito. Isa­isip ang kaligtasan ngayong kapaskuhan at paparating na bagong taon. Maligayang Pasko sa lahat!

Show comments