EDITORYAL - Kaligtasan ng mga pasahero, siguruhin

Kahapon, dagsa ang mga pasahero sa bus terminal para magdiwang ng Pasko sa kani-kanilang mga probinsiya. Ngayong araw, inaasahang daragsa pa hanggang sa bisperas ng Pasko ang mga pasahero —mapa-bus, eroplano at barko man. Taun-taon, tuwing sasapit ang Pasko ay ganito ang senaryo sa mga ter­minal ng bus, airport at pantalan. Napakaraming uuwi para magselebreyt ng Pasko sa probinsiya.

Pinakarami ang sumasakay sa mga bus at ang trans­portasyong ito rin ang pinakamaraming naitatalang aksidente­ at namamatay. May mga bus na buma­bangga sa kasalubong na sasakyan at mayroong nahuhulog sa bangin. Ang karaniwang dahilan kaya naaksidente ay dahil nawalan daw ng preno. Mayroong nakatulog ang drayber at mayroong nag-overtake at nabangga ang nasa kabilang lane.

Noong Disyembre 5, 2023, isang pampasaherong bus na galing Iloilo at patungong San Jose, Antique ang nahulog sa bangin na ikinamatay ng 28 pasahero at 16 ang malubhang nasugatan. Ayon sa pulisya, na­ganap ang aksidente dakong 4:30 p.m. sa Bgy. Igbugacay. Ang bus ay may kabuuang 53 pasahero na karamihan ay mga estudyante at mga balikbayan.

Paakyat umano sa bundok ang bus nang mangyari ang malagim na aksidente. Nahulog ito sa 30 talampakang lalim ng bangin. Ayon sa nakaligtas na pasahero, bago umakyat ang bus sa bundok ay ininspek­siyon pa umano ito ng drayber. Hanggang nang nasa bundok na sila ay nagsunud-sunod na ang busina nito at nawalan na ng kontrol sa manibela ang drayber at tuluy-tuloy na nahulog sa bangin. Walang barrier o harang ang gilid ng bangin.

Ang mga ganitong aksidente ay mauulit hangga’t hindi naghihigpit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pampasa­herong bus. May mga bus na hiindi na sumasailalim sa preventive maintenance at biyahe na lamang ng bi­yahe. Hindi na nila isinasaalang-alang ang buhay ng kanilang pasahero.

Ang problema sa LTFRB, ningas kugon ang pag­hihigpit sa mga pampasaherong bus. Higpit ngayon pero makalipas ang isang linggo, balik na sa dating gawi. Hindi na nagsasagawa ng inspeksiyon sa preno­, ilaw, gulong, at wiper ng mga bus. Hindi na rin inaalam kung nasa tamang kondisyon o kalagayan ang mga drayber ng bus. Higit sa lahat, hindi na nagsasagawa ng surprise drug tests sa mga drayber. Noong naka­raang taon, may mga drayber ng bus na nagpositibo sa shabu. Delikado ang mga drayber na nasa impluwensiya ng illegal drugs. Sila ang magdadala sa hukay ng mga inosenteng pasahero. Hindi dapat maging drayber ang mga sugapa sa illegal na droga. Tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.

Show comments