MATAPOS pagdaanan ang mga hirap, hamon at intriga ng mga nakaraang taon, nagtagumpay na si Carlos Yulo, hindi lang isang beses kundi dalawa. Agad siyang lumikha ng kasaysayan na hindi makakalimutan sa mga darating na taon. Dalawang gintong medalya ang nakamit ni Yulo sa 2024 Paris Olympics. Kahanga-hangang tagumpay.
Si Hidylin Diaz ang nakakuha ng kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas noong 2020 Tokyo Olympics. Kaya tatlong gintong medalya na ang nakuha ng ating mga atleta. Sa kasalukuyan, siguradong makakamit ni Nesthy Petecio ang bronze medal sa boxing. May mga laban pa siya. Sana magtagumpay siya sa mga darating na laban.
Hindi masukat ang saya at pagmamalaki ng buong bansa sa nagawa ni Yulo. Maraming insentibo ang naghihintay sa kanyang pagbalik. Mga magbibigay ng bahay, pera at iba pa para sa kanyang kamangha-manghang tagumpay. May parada pang hinahanda para sa kanya.
Pero sana isama na rin lahat ng atletang lumaban sa 2024 Paris Olympics dahil ginawa rin nila ang lahat ng kanilang kakayahan para magtagumpay. Kung hindi man nagtagumpay ngayon, may apat na taon para mag-ensayo at magsanay para sa 2028 Los Angeles, Olympics.
Ang mahalaga ay huwag madismaya at magtuloy lang sa pagtrabaho, tulad ng ginawa ni Yulo. Hindi siya nagtagumpay noong 2020 Tokyo Olympics. Ayon nga kay Yulo, “Ang pinakamatinding kalaban mo ay ang iyong sarili.”
Huwag na natin bigyan ng halaga o pansin ang mga ibang nauungkat na ingay, partikular mga personal na isyu hinggil sa buhay ni Yulo. Walang saysay iyan sa kanyang pagtagumpay. Ang mga pinag-uusapan ngayon lalo na sa social media ay sana pabayaan na lang, dahil personal nga. Para sa kanilang pamilya na lang iyan. Iangat ang kanyang tagumpay na kahanga-hanga naman.
Pinatunayan nila Hidylin Diaz at Carlos Yulo na kayang makamit ng Pilipinong atleta ang gintong medalya. Sana magsilbing pagmumulat-mata na marami pang atleta ang nangangailangan lang ng suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor. Marami pang Olympic sports kung saan puwedeng mangibabaw ang Pilipino. Alam kong basketball ang may malakas na suporta, pero sana bigyan din ng suporta ang ibang sports. Baka may mga Hidylin Diaz, Carlos Yulo na naghihintay lang ng suporta.
Mabuhay ka, Carlos Yulo! Ipinagmamalaki ka ng bansa!