Bucks dapa sa Cavaliers
CLEVELAND — Nagbagsak si Donovan Mitchell ng 27 points at may 16 markers si Darius Garland para gabayan ang Cavaliers sa 124-101 pagtuhog sa Milwaukee Bucks.
May 15 points si center Evan Mobley para sa home team na nagsalpak ng 20 three-point shots.
“We set the tone, offensively, defensively. Knowing they had a long trip back we were trying to get going early, push the pace, and we did it for 48 minutes,” sabi ni Mitchell.
May 3-0 record ngayon ang Cleveland (24-4) sa kanilang salpukan ng Milwaukee (14-12) na hindi nakuha ang serbisyo ni All-Star guard Damian Lillard dahil sa isang strained calf.
Binanderahan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks, nagkampeon sa nakaraang NBA Cup laban sa Oklahoma City Thunder, sa kanyang 33 points at 14 rebounds.
Sa Miami, bumira si Jalen Williams ng season-high 33 points habang may 25 markers si Shai Gilgeous-Alexander sa 104-97 pagpapalamig ng Thunder (22-5) sa Heat (13-12).
Nagmula rin sa panalo ang Oklahoma City sa Orlando Magic kamakalawa.
Pinamunuan ni Tyler Herro ang Miami sa kanyang 28 points at 12 rebounds, samantalang nilisan ni star forward Jimmy Butler ang first quarter dahil masama ang pakiramdam.
Sa Philadelphia, bumanat ang nagbabalik na si Joel Embiid ng 34 points para tulungan ang 76ers (9-16) sa 108-98 pagpapatumba sa bisitang Charlotte Hornets (7-21).
Nagdagdag si Embiid ng 5 rebounds, 9 assists, 2 steals at 2 blocked shots para sa Philadelphia.
Pinangunahan ni Vasilije Micic ang Charlotte sa kanyang 20 points.
- Latest