Long term plan ilatag para sa agrikultura, mga residenteng apektado ng Mt. Kanlaon
MANILA, Philippines — Panahon na para ikonsidera ng pamahalaan ang pangmatagalang plano para sa relokasyon ng mga komunidad sa loob ng six-kilometer permanent danger zone (PDZ) sa paligid ng Mt. Kanlaon sa Negros Island Region (NIR).
Ito ang posisyon ni Senate Majority Leader Francis TOL Tolentino kaugnay sa tuluy-tuloy na pag-aalburoto ng Mt. Kanlaon, kasama ang posibilidad ng malakas na pagsabog, batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa panayam sa programa sa radyo ng senador, iniulat ni Kanlaon City Mayor Jose Cardenas na aabot na sa P1 bilyon ang pinsala sa lokal na agrikultura dulot ng pag-aalburoto ng bulkan.
Dagdag ni Cardenas, halos nasaid na rin ang quick response funds na gamit ng local government units (LGUs) para bigyan ng pagkain at ibang pangangailangan ang mga apektadong residente.
“Umabot na sa P948 milyon ang pinsala sa aming agrikultura mula Hunyo noong isang taon,” ayon sa alkalde. Tinutukoy nya ang serye ng mga pagsabog ng bulkan, kasama noong Hunyo 3 at Disyembre 9 - na nagbunsod sa deklarasyon ng Alert Level 3 mula sa Phivolcs.
Sa ilalim ng Alert Level 3, lahat ng mga komunidad sa loob ng six-kilometer PDZ mula sa summit ng bulkan ang dapat permanenteng ilikas dahil sa nakaambang peligro.
“Mahirap maglagay ng timetable sa isang volcanic activity, na maaaring tumagal ng maraming buwan hanggang mga taon. Hindi ito gaya sa ibang sakuna, tulad ng bagyo, pagbaha, at sunog na ilang oras o araw ang karaniwang itinatagal,” paliwanag ni Tolentino.
Kasunod nito ay sumang-ayon ang senador sa mungkahi ni Cardenas sa pambansang pamahalaan para magtalaga ng permanent relocation site sa isang ligtas na lugar para sa relokasyon ng mga residente sa loob ng six-kilometer PDZ.
- Latest