EDITORYAL - Laganap ang katiwalian sa mga sangay ng pamahalaan

AYON sa pag-aaral ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights, nananatili ang korapsiyon sa maraming sangay ng pamahalaan sa Pilipinas. Bagama’t may mga ginagawang hakbang para labanan ang korapsiyon, patuloy pa rin itong lumalaganap. Isinagawa ng UN Committee ang pag-aaral sa Geneva, Switzerland noong Pebrero 18, 2025.
Ayon pa sa pag-aaral, bagama’t may mga ahensiya ng pamahalaan na ang tungkulin ay sugpuin ang korapsiyon sa pamahalaan, gaya ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit, hindi rin magawa ang tungkulin dahil sa kakulangan ng funds at technical resources upang lubusang maimbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian.
Inirekomenda ng UN Committee sa Pilipinas na magkaroon nang mabilis at walang kinikilingang imbestigasyon sa lahat ng katiwalian particular na ang high-level corruption, kabilang ang korapsiyon sa gobyerno at hudikatura. Kapag napatunayan ang mga sangkot sa korapsiyon, patawan nang nauukol na parusa sa nagawang kasalanan. Payo rin ng komite na magkaroon ng ngipin ang anti-corruption bodies.
Ang pag-aaral ng UN ukol sa korapsiyon sa mga sangay ng pamahalaan ay hindi na bago. Noon pa, marami nang nangyayaring korapsiyon sa maraming sangay. Laganap ang red tape o suhulan. Hindi gagalaw ang mga papeles na nilalakad sa isang ahensiya ng pamahalaan kung walang “padulas” na pera. Para mapadali ang pag-aapruba ng mga nilalakad na papeles, dapat maglagay.
Ilang taon na ang nakararaan, nagbanta ang American investors na aalisin nila ang mga negosyo sa Pilipinas kapag hindi natigil ang red tape sa maraming ahensiya ng gobyerno. Iyon ang naging daan kaya binuo ang anti-corruption task force at isasailalim sa imbestigasyon ang mga opisyal at empleyado na sangkot sa red tape.
Pero ningas kugon ang anti-corruption task force sapagkat makalipas lamang ang ilang buwan, balik na naman sa dating gawi ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan. Batay sa survey ng Political and Economic Risk Consultancy (PERC), pangatlo ang Pilipinas sa mga bansang laganap ang red tape. Nangunguna ang India at ikalawa ang Indonesia.
Maraming katiwaliang nagaganap sa mga tanggapan ng pamahalaan. May korapsiyon sa Bureau of Immigration, Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Department of Education, Department of Health, Procurement Service-Department of Budget and Management, Bureau of Customs at Philippine National Police.
- Latest