Checkpoint pinagbabaril ng tandem: 2 tanod todas
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang barangay tanod habang tatlo pa ang sugatan makaraang paulanan ng bala ng riding-in-tandem ang isang checkpoint sa gilid ng Brgy. Labu-Labu, Shariff Aguak, Maguindanao nitong Lunes ng gabi.
Sa magkahiwalay na ulat nitong Martes nina Col. Ryan Bobby Paloma, director ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang mga barangay tanod na sina Hassen Kumamo at ang kasamang si Esmail Singh, 20-anyos.
Tatlong iba pa, sina Ali Amerudin, Anwar Banalan at Mohammad Husain, ang nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan sanhi ng naturang pamamaril na naganap sa Barangay Labu-Labu, Shariff Aguak.
Ginagamot na sa isang hospital ang mga sugatang sina Amerudin, Banalan at Husain.
May teorya ang mga opisyal ng Shariff Aguak Municipal Police Station na ang BPAT member na si Kumamo ang siyang target ng naturang pamamaril at nadamay lang ang nasawing si Singh at ang ngayon ay nasa ospital ng sina Amerudin, Banalan at Husain.
Sa imbestigasyon, habang nasa gilid ng kalsada at nagsasagawa ng checkpoint ang mga BPAT members sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang mga suspek at agad silang pinagbabaril.
- Latest