EST Cola kinaldag ng Cignal
MANILA, Philippines — Pinadapa ng Cignal HD ang EST Cola, 25-23, 27-25, 25-12, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inilaglag ng HD Spikers ang under-20 national team ng Thailand sa 0-3 baraha.
Bumanat si Venezuelan import MJ Perez ng 27 points mula sa 22 attacks at limang blocks para banderahan ang Cignal na third placer sa nakaraang PVL Reinforced Conference.
“I’m very happy that we got this win,” wika ni Perez. “Our mindset is we want to get this win.”
Nagdagdag si Ces Molina ng 12 markers at 12 excellent digs para sa tropa ni coach Shaq delos Santos na umiskor ng 26-16, 25-10, 25-18 panalo sa Farm Fresh noong Biyernes.
Dinomina ng HD Spikers ang EST Cola sa blocking department, 11-4, at sa attacks, 49-42.
Nagmula ang mga Thais sa 13-25, 12-25, 15-25, pagyukod sa Creamline Cool Smashers noong Biyernes matapos ang 20-25, 18-25, 25-23, 21-25 kabiguan sa nagdedepensang Kurashiki Ablaze sa pagsisimula ng torneo.
Sa ikalawang laro, binuweltahan ng Creamline ang nagdedepensang Kurashiki, 25-22, 25-22, 26-28, 25-21.
- Latest