Gandler papalo sa Cignal
MANILA, Philippines — Nabangasan na naman ang lineup ng Ateneo de Manila University matapos lisanin ni outside hitter Vanie Gandler ang pugad ng Blue Eagles para maglaro sa professional league.
Pormal nang inihayag ng Cignal HD Spikers ang pagpasok ng 5-foot-9 wing spiker sa kanilang kampo para maglaro sa Premier Volleyball League.
Dahil dito ay hindi na maglalaro si Gandler sa susunod na edisyon ng UAAP women’s volleyball tournament.
“As I enter a new phase of my life after college, I’m more than excited to join a volleyball team such as the Cignal HD Spikers,” wika ni Gandler.
Nagpasalamat si Gandler sa mainit na pagtanggap sa kanya ng HD Spikers management partikular na ng coaching staff.
“The players, coaching staff, and management more than welcomed me into the fold and I’m looking forward to performing to the best of my abilities to help bring Team Awesome to a higher level,” ani Gandler.
Umaasa si Gandler na magkakaroon ng magandang resulta ang panibagong direksiyon na kanyang tatahakin.
Tumapos lamang sa ikaanim na puwesto ang Ateneo sa nakalipas na UAAP Season 85 women’s volleyball tournament mula sa 4-10 marka.
“Here’s to starting new beginnings and getting out of my comfort zone,” ani Gandler.
Si Gandler ang ikalawang player ng Ateneo na umalis matapos mag-goodbye ni top scorer Faith Nisperos.
- Latest