Marcos Jr., hinimok ng Makabayan bloc na buksan muli ang peace talks

MANILA, Philippines — Hinikayat ng mga mambabatas ng Makabayan bloc si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buksang muli ng  GRP (Government of the Republic of the Philippines) at ng CPP-National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang peace talks.

Ito’y kasunod ng pagkamatay ng founder ng CPP-NDFP na si Jose Maria “Joma” Sison.

Naghain ang Makabayan bloc ng House Resolution (HR) na humihiling sa Pangulo na buhayin muli ng nadiskaril na negosasyong pakiki­pagkapayapaan.

Ayon kay House De­puty Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ang muling pagbabalik sa negotiating table ay makatutulong upang matugunan ang problema sa hindi pagkakapantay-pantay ng Pilipinas, na aniya ay isang daan upang makamit ang hangarin ng pagkakaisa ni Pangulong Marcos.

Sinabi ni Castro na upang mangyari ang nais ng administrasyon, isa sa mga paraan na pwedeng gawin ang pagiging bukas para sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NDFP.

Sa tala, ang NDFP ang negotiating arm ng Communist Party of the Philippines (CPP) habang ang  New People’s Army naman ang armadong puwersa ng komunistang grupo.

Umaasa ang Makabayan bloc na diringgin ng Pangulo ang kanilang kahilingan.

Show comments