Istulen Ola papalag sa PCSO Anniversary race
MANILA, Philippines — Tatapatan ng Istulen Ola ang mga tigasing kabayong kalahok sa 2024 PCSO Anniversary race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas bukas.
Umaasa ang mga karerista na maging maayos ang panahon upang matuloy bukas ang matagal ng inaabangan na karera.
Kasama sa mga posibleng maging mahigpit na kalaban ni Istulen Ola na sasakyan ni reigning Philippine Sportswriters Association (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce ay sina Batang Manda at Secretary.
Bukod kina Batang Manda at Secretary, makikipag tagisan ng bilis si Istulen Ola kina Diversity, Sky Story at Sonic Clay sa distansyang 1,600 meter race kung saan ay nakalaan ang P2M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.
Paniguradong mahigpitan ang labanan hanggang sa rektahan dahil pupuntiryahin ng mga kasali ang tumataginting na P1.2M premyo na hahamigin ng mananalong kabayo.
Base sa komento ng ibang karerista, posibleng magpakitang gilas din ang kalahok na Sky Story sa karera na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Susungkitin ng second placer ang P450,000 habang P250,000 at P100,000 ang third at fourth, ayon sa pagkakasunod.
- Latest