Staff ng solon ipapatawag ng NBI sa fake SARO
MANILA, Philippines - Ipapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang staff ng isang kongresista mula sa Region 2 para sumailalim sa imbestigasyon kaugnay ng pekeng Special Allotment Release Order o SARO.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, ang nasabing staff ng hindi muna pinangalanang kongresista ang unang nagpakita ng pekeng SARO sa regional field unit ng Department of Agriculture sa Region 2 na nag-alerto naman sa DA Main Office.
Nang magtanong naman ang punong tanggapan ng DA sa Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng nasabing dokumento, duon na nadiskubre na peke pala ang SARO.
Sa kasalukuyan ay hindi pa umano batid kung ano ang lawak ng partisipasyon ng nasabing mambabatas, kung siya ba ay inosenteng recipient ng SARO o hindi.
Tinitingnan na rin umano ng NBI ang impormasyon na nakarating na rin ang mga pekeng SARO sa iba pang rehiyon, kasama na ang Region 4A, Region 6 at Region 12. Inaalam na rin umano ng NBI sa DBM ang proseso ng paggawa ng SARO, kung saan ito nagmumula, sino ang naghahanda nito at kung anu-anong tanggapan ang pinagdaraanan nito.
- Latest
- Trending