153 pulis tatayong election tellers
MANILA, Philippines – Aabot sa 153 pulis ang tatayong election tellers para sa special barangay elections sa 12 barangay sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Sinabi ng Commission on Elections na gaganapin ang halalang pambarangay sa Nobyembre 8 matapos hindi matuloy nitong Oktubre 28 dahil sa isyu ng seguridad.
Sinabi ng abogadong si Duque Kadatuan, na tumatayong provincial election supervisor ng North Cotabato, sinibak na sa puwesto si Pikit election officer Joel Celia matapos hindi masolusyunan ang problema ng lugar.
Sasailalim sa orientation ang mga pulis na tatayong election tellers kung paano magpatakbo ng halalan, ayon kay Kadatuan.
Dagdag niya na hindi sa Pikit police office manggagaling ang mga pulis upang masigurong walang bahid ng pandaraya ang gagawing eleksyon.
Iniimbestigahan na si Celis at ang mga tauhan nito matapos ang nangyaring insidente nitong Lunes.
- Latest
- Trending