Nasaan ang ebidensya ng vote buying? - Brillantes
MANILA, Philippines – Ebidensya ang hinahanap ni Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes, Jr. kasunod nang mga balitang kabi-kabilang vote buying sa katatapos lamang na halalang pambarangay nitong Lunes ng umaga.
"Vote-buying is a very sensitive act, which means you need evidence to prove vote-buying. Hindi pwedeng kwento-kwento lang," pahayag ni Brillantes sa isang pulong balitaan ngayong Martes ng hapon.
"Lahat ng naririning niyong vote-buying, sinasabi niyo na may vote-buying. But where is the evidence?" tanong ni Brillantes sa mga kaharap na mamamahayag.
Sa tingin ni Brillantes ay pawang mga akusasyon lamang ang pamimili ng boto mula sa mga natalong kandidato.
"Ang aming analysis diyan is maraming vote-buying na sinasabi kasi yung mga natatalo, sinasabi nila na nag-vote-buying 'yung kalaban nilang nanalo," Brillantes said.
Kaninang umaga ay sinabi ng Philippine National Police (PNP) na may pitong insidente ng pamimili ng boto, pero kaagad din nilang nilinaw na hindi pa naman ito napapatunayan.
Samantala, sinabi ng poll watchdog na Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na naging marumi ang barangay polls dahil sa mga pamimili ng boto, sa Ilocos Sur, Palawan at Visayas.
Sinabi naman ni Henrietta de Villa, pinuno ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na sindumi na ng national polls ang halalang pambarangay.
"The violence has really escalated. Vote-buying, too, and sadly, even vote-selling," sabi ni De Villa sa isang panayam sa telebisyon. "By baranggay na talaga. Nakakalungkot."
- Latest
- Trending