PNP: Halos 500 katao tiklo sa gun ban
MANILA, Philippines – Umabot na sa halos 500 katao ang nadakip sa paglabag sa gun ban ng Commission on Elections, ayon sa Philippine National Police ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Police Senior Superintendent Wilben Mayor na nasa 471 katao na ang nahuli ng mga awtoridad na lumabag sa gun ban na nagsimula noong Setyembre 28.
Kabilang sa mga nadakip ang limang pulis, apat na sundalo at 18 security guards, dagdag ni Mayor.
Nakasabat na rin ang mga awtoridad ng 380 na iba’t ibang armas, kabilang dito ang 64 na granada at 221 iba’t ibang pampasabog.
Ipinatupad ng Comelec ang gun ban para sa nalalapit na barangay elections na gagawin sa Oktubre 28.
Magtatapos ang nationwide gun ban hanggang Nobyembre 12.
Nitong Linggo lamang ay isang alkalde sa Abra at dalawang kanyang tauhan ang nahulihan ng armas matapos maharang sa isang checkpoint.
Kaugnay na balita: Alkalde sa Abra timbog sa gun ban
Nakilala ang alkalde na si Licuan-Baay Mayor Alejo Siddayao Domingo kasama ang mga bodyguard na sina Noel Culangen Bay-ed at Eddie Boy Balweg Paredes.
Kaagad namang umamin ang alkalde na pagma-may-ari niya ang nakumpiskang baril ngunit bigo siyang magpakita ng karampatang papeles.
Idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III ang araw ng halalan bilang regular holiday upang makaboto ang publiko.
- Latest
- Trending