Bagyong 'Urduja' nakapasok na ng Pinas
MANILA, Philippines - Nakapasok na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong "Urduja" na may international name na Francisco, ayon sa state weather bureau ngayong Martes ng umaga.
Namataan ng PAGASA ang bagyo sa 1,200 kilometro silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, kaninang alas-4 ng madaling araw.
Taglay ni Urduja ang lakas na 160 kilometers per hour at bugsong aabot sa 195 kph, habang gumagalaw pa-hilaga hilagang-kanluran sa bilis na 13 kph.
Sinabi ng PAGASA na wala namang direktang epekto ang bagyo sa bansa, ngunit palalakasin nito ang hanging amihan.
Si Urduja ang pang-apat na bagyo ngayong Oktubre at pang-21 ngayong taon.
Magiging bahagyang maulap ang kalangitan ng Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon at Bicol Region na may pulo-pulong pag-ulan na may pagkulog at kidlat.
Inaasahang nasa 930 kilometro hilaga-silangan ng Itbayat, Batanes si Urduja sa kamakalawa o nasa labas na ng PAR.
- Latest
- Trending