10 patay sa landslide sa Zambales, iba pa nawawala
MANILA, Philippines – Sampung katao ang kumpirmadong patay sa pagguho ng lupa sa dalawang bayan ng Zambales ngayong Lunes.
Sinabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na apat na katao ang nasawi sa landslide sa Barangay Aglao, sa bayan ng San Marcelino.
Nauna nang kinumpirma ng alkalde ng Subic na si Jefferson Khonghun na anim ang namatay sa pagguho ng lupa sa mga barangay ng Wawandue at San Isidro.
"Medyo isolated na kami dito sa Subic, Zambales kasi po sobrang taas na po ang baha ito. Bale lagpas-tao na ang baha sa kalsada," pahayag ni Khonghun sa isang panayam sa radyo.
Ayon sa mga ulat, walo hanggang 10 katao pa ang nawawala dahil sa pagguho ng lupa dulot ng matinding buhos ng ulan.
Samantala, umapela ang alkalde sa Department of Public Works and Highways at Department of Social Welfare and Development na magpadala ng tulong sa kanilang lugar.
"Kung pwede po bigyan po kami ng pansin dito sa bandang Subic, Zambales dahil ngayon po lang kami binaha ng ganitong kataas... nag-e-expect po kami na makuha pa ng buhay yung pamilya na natabunan ng landslide," sabi ni Khonghun.
"Nananawagan po kami sa DPWH ngayon kung pwede magpadala ng heavy equipment at mga rescue at syempre po sa DSWD. Meron po kami ngayong tatlong evacuation center dito sa amin," dagdag ng alkalde.
- Latest
- Trending