228 na ang umano'y bihag ng MNLF sa Zamboanga
MANILA, Philippines – Umakyat na sa 228 ang bilang ng mga tao na umano'y bihag ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa ikalawang araw nang pananakop nila sa ilang barangay ng Zamboaga City ngayong Martes.
Siyam na residente ang umano'y kinuha ng MNLF sa ilalim ng pamumuno ni Commander Hadji Amin Ajirin upang gawing "human shields" habang patungo sila sa Barangay Talon-Talon.
Lima naman sa mga bagong bihag ang agad ding pinalaya ng mga rebelde.
“We tried to convince them (rebels) to stay to avoid possible bloodshed,†pahayag ng negosyador na si Engr. Muktar Muarip sa isang panayam sa radyo.
Kaninang 8:30 ng umaga ay nagpakawala ng anim na bihag ang MNLF na pawang mga bata at mga taga Barangay Talon-talon, ayon sa Armed Forces of the Philippines.
"As of 8:30 a.m., five children and one adult were released in Barangay Talon-Talon. MNLF Misuari group in the said barangay (is) requesting for water and bread," pahayag ng AFP sa kanilang twitter account.
Kahapon ay nanggulo ang grupo ng MNLF sa pamumuno ni Nur Misuari na layuning makakuha ng kalayaan para sa Muslim regions.
Sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City na 30 residente ang ginamit ng MNLF bilang human shields nang tumungo sila sa Barangay Sta. Catalina.
Ayon naman kay Zamboanga City Mayor Beng Climaco ay mayroon lamang 170 na bihag ang rebeldeng grupo.
Samantala, kanselado pa rin ang mga biyahe ng eroplano patungo at paalis ng Zamboanga City.
“Yung aming Notice to Airmen (NOTAM) ay hanggang alas-9 lang sana kagabi (Monday night) pero ang aming information from the Armed Forces, sa intelligence unit nila, and aming sariling intelligence people, ine-extend po namin ang suspension hanggang alas-9 ng gabi ngayong araw na ito (Tuesday),†pahayag ni Civil Aviation Authority of the Philippines Deputy Director General Rodante Joya.
Sampung biyahe ng eroplano ang apektado ng flight ban ngayong Martes. Kahapon ay 1,500 pasahero ang nastranded dahil sa kaguluhan.
- Latest
- Trending