Resulta ng NBI probe sa pork scam matatagalan
MANILA, Philippines - Bahagyang maaantala ang paglabas ng resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa umano'y P10 bilyon pork barrel scam na kinabibilangan ng mga mambabatas.
Sinabi ni Justice secretary Leila de Lima na matatagalan pa ang paglabas ng pagsisiyasat ng NBI dahil sa pagbibitiw ng pinuno nito na si NBI Director Nonnatus Caesar R. Rojas.
Dagdag ni De Lima na naapektuhan ang imbestigasyon ng ahensya sa pork barrel scam dahil sa pagbitiw ni Rojas kasunod nang pagkastigo ni Pangulong Benigno Aquino III sa NBI dahil sa umano'y nagbigay ng impormasyon kay Janet Lim-Napoles, ang itinuturong mastermind, sa pag-aresto sa kanya.
Aniya, inabisuhan niya ang ahensya na ipagpatuloy na ang kanilang imbestigasyon upang matapos na ito.
Samantala, sinabi kanina ng abogado ni Napoles na si Lorna Kapunan na may tauhan ng NBI ang sumubok mangikil ng P300 milyon sa negosyante upang mawala ang kaso sa kontrobersyal na negosyante.
Kaugnay na balita: Tauhan ng NBI isinangkot sa P300-M bribe try kay Napoles
"Yes, P300 million," kuwento ni Kapunan. "I will not name now but whoever the person who came forward said that it was for this whole case to disappear. Sadly, it covered not only the NBI but also the DOJ."
HInamon naman ng tagapagsalita ng NBI na si Cecilio Zamora na pangalanan ni Kapunan ang umano'y nangikil.
Aniya, malaking dungis na ang ibinabahid ng kampo ni Napoles sa ahensya.
- Latest
- Trending