FOI bill diringgin sa Senado bukas
MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon ay tatalakayin na ng Senate committee on public information and mass media ang Freedom of Information (FOI) bill bukas.
Sinabi ni Senator Grace Poe, pinuno ng komite, na dadaluhan nina Secretary Sonny Coloma ng Presidential Communications and Operations Office at Undersecretary Manuel Quezon III ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office ang pagdinig.
Kabilang din sa mga inanyayahan bukas ay ang pinuno ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas President Herman Basbano, National Press Club President Benny Antiporda, Philippine Center for Investigative Journalism Multimedia Director Eduardo Lingao at Center for Media Freedom and Responsibility Trustee Vergel Santos.
Naimbitahan din sa pagdinig bukas ang mga propesor mula sa University of the Philippines na sina College of Mass Communication Dean Rolando Tolentino political science professor Clarita Carlos at Professor Prospero De Vera III ng National College of Public Administration.
Kasama rin ang ilang mga kinatawan ng grupo tulad ng Transparency International-Philippines, Right to Know Coalition, Center for People Empowerment in Governance at National Union of Journalists.
Layunin ng FOI bill na maging bukas sa publiko ang mga impormasyon ng gobyerno.
Kabilang si Poe sa tatlong senador na naghain ng panukala sa 16th Congress.
"Ito ang unang sandata natin para malaman kung ano ang nangyayari sa gobyerno. Kung wala tayong impormasyon, wala tayong batayan para umaksyon. Dahil nakakubli ang katotohanan, taon ang binibilang bago natin malaman ang nangyayari -- kaya lubhang mahalaga ang FOI," pahayag ni Poe noong nakaraang buwan.
- Latest
- Trending