'Napoles sinuhulan ang iba pang pork scam whistleblower'
MANILA, Philippines – Sinubukan umanong suhulan ng umano’y utak sa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles ang iba pang whistleblower upang tumahimik, ayon sa kampo ni Benhur Luy na nagsiwalat ng kontrobersya sa Project Development Assistance Fund (PDAF).
Sinabi ng abogado ni Luy na si Levito Baligod na nakatanggap ng tawag ang apat na bagong testigo mula kay Napoles.
"Tinawagan sila (ni Napoles)... 'Huwag niyo akong idiin, tutulungan ko kayo. Ang idiin niyo si Benhur Luy'" kuwento ni Baligod.
Dagdag ni Baligod na halagang P20,000 ang inalok ng mga tauhan ni Napoles kapalit ng kanilang katahimikan.
"I did not ask if tinanggap nila (whistle-blowers). Pero parang tinanggap nila," ani Baligod.
Sinabi pa ni Baligod na sinubukang tugisin ng National Bureau of Investigation ang mga tauhang nag-alok ng suhol.
"I see them as credible also. They have a real feeling na gusto rin nilang bumawi sa bayan," sabi Baligod tungkol sa mga iba pang whistleblower.
Umaasa naman si Baligod na lulutang pa ang ibang may alam sa pork barrel scam.
- Latest
- Trending