MANILA, Philippines – Pinaghahahanap pa rin ang isang turistang nawala sa loob ng isang kuweba sa Sagada, Mountain Province noong kasagsagan ng bagyong Maring.
Sinabi ni Jojo Valera, operations chief ng Office of Civil Defense ng probinsya, na patuloy ang paghahanap kay Eufrosinia Irene Manaois ng Dagupan City.
Ito na ang pang-11 araw na paghahanap sa biktima mula nang makulong sila sa loob ng Sumaging Cave noong Agosot 18.
Nailigtas na naman ang mga kasamahan ni Manaois, kabilang ang 13 turistang Hapon.
Hinayaang makapasok sina Manaois at mga kasamahan niya sa loob ng kuweba kahit hinahagupit ng bagyong Maring ang Luzon.
Dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng habagat ay umakyat ang tubig sa loob ng kuweba kaya naman nakulong ang mga turista sa loob.
Siniguro ni Valera na hindi sila titigil sa paghahanap hangga’t matagpuan si Manaois.