2 patay sa Cavite, 20,000 pamilya inilikas
MANILA, Philippines – Aabot sa 20,000 pamilya ang inilkas sa probinsya ng Cavite dahil sa matinding buhos ng ulan na nagdulot ng pagbaha, ayon sa isang opisyal ngayong Lunes.
Sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na patuloy ang rescue operation sa mga na-stranded na residente ng Kawit, Imus, Noveleta, Tanza at Rosario.
Samantala, dalawa ang nasawi sa pagbigay ng isang irrigation dam sa Barangay Tres Cruses sa Tanza dahil sa walang tigil na pag-ulan mula kagabi.
Nakilala ang biktima na sina Jonnie Gonzales, 15, at Jonel Gampan, 34, ngunit tanging ang katawan pa lamang ni Gampan ang nakikita.
"Hindi sila magkamag-anak," paglilinaw ni Remulla dahil may mga lumabas na ulat na magkamag-anak ang dalawang biktima.
Sinabi pa ni Remulla na nakatakda nilang i-relocate ang 7,000 pamilya na mga nakatira sa danger zone upang maiwasan ang may mapahamak sa muling pagragasa ng baha.
- Latest
- Trending