Oil price rollback, kulang! - Piston
MANILA, Philippines – Hindi ikinatuwa ng militanteng transport group na Piston ang roll back sa presyo ng petrolyo na ipinatupad ng mga oil companies ngayong linggo.
Inirereklamo ng Piston ang mababang pagbabawas ng presyo kumpara sa malakihang oil price hike ng mga naturang kompanya.
"Kapag magtataas sila ng presyo ay malaki at madalas. Pero kapag magrorolbak ay bihira at barya-barya," sabi ni Piston national president George San Mateo.
"Partikular sa diesel, dito natin lalo makikita ang pattern na laging mas mababa ang rollback, at mas masahol pa, madalas ay hindi nagpapatupad ng rollback sa diesel. Ito ay dahil 70 percent ng benta ng 'Big Three' ay diesel kaya sadyang nililiitan at nililimitahan ng 'Big Three' ang pag-rollback sa diesel para patuloy silang kumita ng super-tubo mula sa overpricing, price-manipulation at profiteering," dagdag niya.
Ngayong Martes ay ipinatupad ng Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines ang pagbabawas ng 35 sentimo kada litro sa gasolina, ngunit nagtaas naman sila ng 25 sentimo kada litro sa kerosene.
Muli namang sinisisi ng grupo ang Oil Deregulation Law kaya walang magawa ang gobyerno upang makontrol ang presyuhan ng mga langis.
"Ang patuloy na pagtatanggol ni Pangulong Aquino sa pananatili ng Oil Deregulation Law ang siyang dahilan kaya naging sadyang inutil ang gobyerno na protektahan ang mga drayber at consumer," sabi ni San Mateo.
Suportado ng Piston ang isinusulong sa Kamara na House Bill 255 na naglalayong ibasura ang Oil Deregulation Law.
"Inaasahan na namin na tututulan ni Pangulong Aquino at ng mga ahente ng Big 3 sa loob ng Department of Energy ang HB 255. Subalit magkaganun man, ay ibayong ipaglalaban at itutulak ng Piston at ng buong transport sector ang panukalang batas na iyan sa Kongreso at higit lalo sa lansangan," ani San Mateo.
- Latest
- Trending